03/12/2025
Goodbye OEC! Hello OFW Pass!
Hindi niyo na kailangang magdala ng dating Overseas Employment Certificate o OEC. May bago nang mas mabilis at mas madaling paraan — ang digital OFW Pass.
Ang OFW Pass ay hindi isang bagong requirement. Ito ay bahagi na ng kasalukuyang digital departure process na pinapatupad ng Bureau of Immigration. Ito ay binuo ng Department of Information and Communications Technology o DICT ang ng Department of Migrant Workers (DMW) para mas mapabilis at mas mapadali ang proseso ng pag-alis ng mga OFW.
Sa ganitong paraan, mas napadadali ang proseso at mas napananatili ang maayos na monitoring sa mga OFW na aalis ng bansa.
Narito ang paraan para makakuha ng OFW Pass:
Una, i-download ang eGovPH app mula sa IOS o Playstore ng inyong telepono.
Buksan ang app, at sundin ang proseso para i-register ang inyong personal na impormasyon.
Pagkatapos magparehistro sa eGovPH app, pumunta sa seksyon ng NGA (National Government Agency), i-click at scroll down para makita ang DMW. i-click ang DMW at dito, makikita ang Balik Manggagawa kung saan maaari mong i-generate ang iyong OFW Pass na magsisilbi mong exit clearance.
Ipakikita mo lang ang QR code ng OFW Pass na ito sa mga autoridad kapag aalis na kayo ng bansa.
Simple, di ba?
Sa bagong paraan na ito, mas mabilis, mas madali, at mas secure ang pagbiyahe ng mga OFW. Walang papel, walang abala.
Muling paalala na ang lahat ng ito ay bahagi ng pagsisikap nating mapabuti ang sistema para sa kaligtasan at kaginhawaan ng bawat Migranteng Pilipino.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang opisyal na website and page ng DMW.