31/05/2026
“TRABAHONG-TAMAD” — LACSON, TUTOL SA PLANONG PAG-SUBPOENA SA ASAWA NI SEN. BATO
Mariing tinutulan ni Senador Panfilo Lacson ang planong pagpapadala ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Nancy dela Rosa, asawa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, bilang bahagi ng paghahanap sa kinaroroonan ng senador na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa kanyang pahayag, hinimok ni Lacson ang NBI na huwag nang ituloy ang hakbang laban sa asawa ni Sen. Bato at sinabing hindi ito ang tamang paraan ng intelligence work.
“Please don’t do this. Aside from exposing your incompetence in intelligence work, harassing Senator dela Rosa’s wife to track him is unprofessional, ‘trabahong-tamad.’”
(“Pakiusap, huwag ninyo itong gawin. Bukod sa inilalantad nito ang kakulangan sa intelligence work, ang panggigipit sa asawa ni Senador dela Rosa upang matunton siya ay hindi propesyonal at maituturing na ‘trabahong-tamad.’”)
Ang reaksyon ni Lacson ay kasunod ng pahayag ni NBI Director Melvin Matibag na pinag-aaralan ng kanilang ahensya ang pagpapadala ng subpoena kay Nancy dela Rosa at sa iba pang mga taong may kamakailang komunikasyon kay Sen. Bato.
“We are about to send subpoenas to the personalities with recent contact with Senator Bato.”
( “Nakahanda na kaming magpadala ng subpoena sa mga personalidad na may kamakailang pakikipag-ugnayan kay Senador Bato.”)
Partikular na binanggit ni Matibag ang asawa ng senador.
“Of course, we are contemplating on issuing a subpoena to his wife also.”
(“Siyempre, pinag-iisipan din namin ang pagpapadala ng subpoena sa kanyang asawa.”)