14/06/2021
🤔
Puerto Princesa City - Kinasuhan sa Ombudsman si Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron at tatlong iba pang opisyal dahil sa paglabag sa COVID-19 health protocol kaugnay sa nangyaring Acacia Tunnel Lighting event noong Marso 7.
Sa report ng Philstar, nakasaad sa reklamo na isinampa sa ombudsman nitong Hunyo 10 ay nilabag umano ng mga opisyal ng Lungsod ang Omnibus Guidelines para sa implementasyon ng Community Quarantine sa bansa na mismong si Pangulong Duterte ang naglabas ng kautusan.
Kung saan ay libo-libong tao umano ang dumagsa sa Acacia Tunnel Lighting event na siyang sinisisi ng mga residente sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Bukod kay Bayron ay kabilang sa mga kinasuhan ay sina Judith Bayron, chairman ng event’s executive committee; Dean Palanca, head ng Puerto Princesa Incident Monitoring Team, at Games and Amusement Board chair Abraham Mitra ng kasong gross neglect of duty, grave misconduct, paglabag sa Bayanihan Act at open disobedience sa ilalim ng Article 231 ng Revised Penal Code.
Sa mensaheng ipinadala sa Palawan Star ni Puerto Princesa City Administrator Atty. Arnel Pedrosa, ay wala pa umano silang natatangap na pormal na kopya ng reklamo mula sa Ombudsman.
Nakahanda naman umano silang sagutin ang nasabing reklamo sakaling matanggap na nila ito.
"Mayor will formally answer the charges once he received the copy of the complaint. No comment for now po" - ayon kay Atty. Pedrosa