13/06/2025
𝐋𝐓𝐎 𝐂𝐀𝐋𝐀𝐁𝐀𝐑𝐙𝐎𝐍 𝐍𝐚𝐠𝐬𝐚𝐠𝐚𝐰𝐚 𝐧𝐠 𝐌𝐚𝐥𝐚𝐰𝐚𝐤𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐦𝐩𝐚𝐧𝐲𝐚 𝐔𝐤𝐨𝐥 𝐬𝐚 𝐋𝐓𝐎 𝐓𝐫𝐚𝐜𝐤𝐞𝐫 𝐬𝐚 𝐁𝐮𝐨𝐧𝐠 𝐑𝐞𝐡𝐢𝐲𝐨𝐧
𝐂𝐀𝐋𝐀𝐁𝐀𝐑𝐙𝐎𝐍 – Sa selebrasyon ng ika-127 Araw ng Kalayaan, hindi lamang kasaysayan ang ipinagdiriwang ng mga Pilipino kundi maging ang makabagong pagbabago sa serbisyo publiko. Nagsagawa ng isang malawakang information campaign ang lahat ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa CALABARZON ngayong Hunyo 12, sa pangunguna ni Regional Director Elmer J. Decena, upang ipakilala sa publiko ang LTOTracker – isang digital na kasangkapan para sa real-time tracking ng mga lisensya at plaka ng sasakyan.
Ang 𝐋𝐓𝐎 𝐓𝐫𝐚𝐜𝐤𝐞𝐫, na maaaring ma-access sa https://ltotracker.com/delivery ay naglalayong pabilisin at gawing mas episyente ang serbisyo ng gobyerno, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa digitalisasyon ng mga proseso. Sa tulong ni DOTr Secretary Vince B. Dizon at LTO Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inaasahang mababawasan ang reklamo sa matagal na pagdating ng mga plaka at lisensya.
Paano gamitin ang LTOTracker?
Simple lamang ang proseso:
Buksan ang website na https://ltotracker.com/delivery sa inyong browser.
- Ilagay ang Plate Number o MV File Number.
- Piliin kung Pick Up o Delivery.
- Kung Pick Up, mag-set ng appointment.
- Kung Delivery, punan ang kinakailangang impormasyon, i-upload ang mga dokumento, at magbayad online.
Ayon kay RD Decena, "Layunin natin na mapalapit ang serbisyo sa tao, hindi na kailangang pumila ng matagal o maghintay ng walang kasiguruhan. Sa LTOTracker, hawak mo ang impormasyon, nasa’yo ang kontrol."
Para sa mga motorista, isa itong konkretong hakbang ng gobyerno upang ibsan ang hinaing sa pag-asikaso ng mga plaka at lisensya.
.T.O
.Philippines
.LTO
.Calabarzon